Wagi ng bronze medal si Filipino gymnast Carlos Yulo sa men’s floor exercise ng 2024 FIG Artistic Gymnastics World Cup Series na ginanap sa Baku, Azerbaijan nitong Sabado, Marso 9.
Nakapagtala ng 14.366 na puntos si Yulo habang 14.933 naman ang gold medalist na si Yahor Sharamkou ng Belarus at 14.666 naman ang nakuha ng silver medalist na si Kazuki Minami ng Japan.
Sa kabila nito, bigo naman si Yulo na madepensahan ang titulo niya sa vault at parallel bars na napanalunan niya noong nakaraang taon.
Nasa ika-9 na pwesto lamang siya sa parallel bars qualification at ika-21 na pwesto naman sa vault qualification.
Gayunpaman, pumalo na sa 13 ang World Cup Series medals ni Yulo. Apat sa mga ito ay golds, tatlong silvers, at anim na bronzes.
Matatandaan naman na kwalipikado na sa 2024 Paris Olympics si Yulo kasama ang gymnast na si Aleah Finnegan maging ang pole vaulter na si EJ Obiena at boxer na si Eumir Marcial.