Agad naglabas ng paglilinaw ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng inilabas nilang guidelines sa mga isinasagawang caravans at motorcades sa National Capital Region (NCR)
Ayon kay MMDA Chairman Benjamin Abalos Jr., ang naturang guidelines para sa mga political parties at supporters ay para lamang sa mga weekends at holidays.
Binigyang diin nitong dapat sa umaga lamang isagawa ang naturang mga caravans at motorcades para maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko lalong-lalo na sa rush hours.
Sa guidelines na inilabas ng MMDA, dapat ay ma-regulate at ma-evaluate ang aplikasyon sa pagsasagawa ng mga caravans at motorcade bago mag-isyu ng permit para magsagawa ng mga aktibidad sa mga major thoroughfares ng Metro Manila.
Nasa bola naman ng mga local government units (LGUs) ang pag-regulate, pag-evaluate at pag-issue ng mga permit para sa mga naturang aktibidad sa mga kalsada.
Ang unang gagawin ng mga organizers ay dapat magsumite ng kaukulang aplikasyon para sa Roadway Private Utilization Permit (RPUP) sa MMDA o mga concern Metro Manila LGUs.
Dapat nakalagay dito ang pangalan ng event at organisasyon, petsa kasama ang oras, ang kanilang ruta, estimated na bilang ng mga motor vehicles na lalahok, program of activities at iba pang mahalagang detalye kaugnay ng kanilang planong motorcades o caravans.
Pagkatapos nito ay ie-evaluate naman ng MMDA o Metro Manila LGUs ang aplikasyonat saka mag-iisyu ng Roadway Private Utilization Permit (RPUP) at saka magtatalaga ng traffic management plan at magsasagawa ng public information at awareness campaign para sa dahilan ng naturang aktibidad.
Kapag nakitaan ng paglabag sa undertaking o material misrepresentation sa aplikasyon ay magiging ground ito ng pagsuspinde o pagkansela sa kanilang Roadway Private Utilization Permit (RPUP).
Isa pang dapat makumpleto ng mga organizers ng mga motorcades ang Land Transportation and Traffic Code, rules and regulations ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kaugnay ng kanilang mga protocols laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).