Balak ng Commission on Elections (Comelec) na gawing magkakaiba ang patakaran sa pangangampanya sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa pagdinig ng House committee on suffrage and electoral reforms, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na iibahin nila ang campaign rules dipende sa alert level status ng isang lugar.
Sa kanilang rekomendasyon, walang limit o restrictions ang in-person campaign para sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1; ang isang kandidato o campaign leader ay maari namang samahan ng hanggang sa limang campaign support staff sa ilalim ng Alert Level 2; at hanggang sa tatlong campaign support staff naman ang maaring sumama sa isang kandidato o campaign leader sa ilalim ng Alert Level 3.
Iminumungkahi naman nilang ipagbawal ang in-person campaign para sa mga lugar na nasa ilalim naman ng Alert Level 4 at 5.
Bawal din ang caucuses, meetings, convention, rallies at miting de avance sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 5.
Pero inirekomenda naman nilang payagan ang pagsasagawa ng naturang mga aktibidad sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 hanggang 2 pero hanggang sa 50 percent lamang ng operational capacity ng venue para sa indoor at outdoor.
Ganito rin ang bilang ng pinapayagan sa Alert Level 3 pero limitado lamang sa enclosed outdoor venue, habang 30 percent naman ng operational capacity ng outdoor venue ang papayagan sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4.
Nilinaw ni Casquejo na idadaan pa nila sa approval ng Comelec En Banc ang mga rekomendasyon nilang ito.










