Bago pa muling buksan ang sesyon ng senado, naghain ng resolusyon si Senador Imee Marcos para busisiin sa senado ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at ang posibleng pagbalewala sa mga manggagawa sa services and manufacturing sector.
Nababahala si Marcos, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sa napipintong pagkawala ng mga trabaho partikular na sa business process outsourcing (BPO) at mga orihinal na equipment manufacturing (OEM) na kumpanya, na kanyang pinaniwalaang may malaking potensyal sa paglikha ng trabaho sa kabila ng pandemya.
Sa Senate Resolution No. 591 isinasaad dito ang nakababahalang prediksyon na tinatayang nasa 1.1 milyong mga trabaho sa Pilipinas ang malulusaw o mawawala pagsapit ng 2028, base na rin sa pag-aaral ng Oxford Economics at U.S. based digital technology company na Cisco.
Binigyang diin ni Marcos na dapat madaliin ang pagbibigay kaalaman sa mga mambabatas hinggil sa global development hinggil sa AI technology sa pamamagitan ng Senate inquiry, at kinakailangang kaharapin ito pareho ng lehislatibo at ehekutibo na isang hindi maiiwasang tsunami ng teknolohiya.
Bago pa kumalat ang paggamit ng AI sa lahat negosyo sa bansa, sinabi ni Marcos na kapwa krusyal na mithiin o dapat targetin ng dalawang kapulungan ng kongreso na bumuo ng mga regulatory measure laban sa matinding kawalan ng trabaho at gumawa ng kaukulang mga amendments sa Intellectual Property Code, Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act.