-- Advertisements --

Matapos na ‘di sumipot sa naunang hearing, dumalo sa ngayon si Solicitor General Jose Calida sa joint hearing ng House Committee on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN.

Dumalo si Calida sa naturang pagdinig sa pamamagitan ng teleconferencing, habang ang ilang miyembro ng dalawang komite at resource persons ay physically present sa Plenary Hall ng Kamara.

Sinabi ni House committee on good government chairman Jonathan Sy-Alvarado na bibigyan nila ng sapat na pagkakataon si Calida para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat i-cite for contempt dahil sa panghihimasok sa pagbibigay ng provisional authority to operate sa ABS-CBN.

“Magpapaliwanag si SolGen Calida ng kanyang pahayag kung bakit hindi natin siya dapat mai-contempt dahil sa kanilang pagpayo o sabi nga natin noong unang araw ay pag-bully sa NTC (National Telecommunications Commission), ani Alvarado.

Nauna nang sumulat si Calida kay House legislative franchises panel chairman Franz Alvarez para ipabatid ang pagtanggi nito na dumalo sa pagdinig noong Mayo 26.

Sinabi ni Calida na ang mga issues na pag-uusapan sa pagdinig ay nabanggit din sa mga pending petitions sa Korte Suprema.

Dahil sa sub judice rule, hindi aniya siya maaring makapagsalita at makapagbigay ng rekomendasyon na may kaugnayan sa pending petitions.

Nitong taon lang ay naghain ng quo warranto petition si Calida sa Supreme Court laban sa legislative franchise na hawak dati ng ABS-CBN.

Nagbabala rin ito sa mga commissioners ng NTC sa posibilidad na maharap aniya ang mga ito sa kasong graft sa oras na bigyan ng provisional authority ang media giant.