CAUAYAN CITY- Inilunsad ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang pagbabakuna ng Bivalent Booster matapos na dumating kahapon ang 15,300 doses ng naturang bakuna na nakalaan sa Department of Health (DOH) Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center na ang CVMC ang pinakaunang nag-roll out sa rehiyon ng Bivalent vaccine bilang panlaban sa Omicron subvariant.
Naging panauhin nila si Dr. Amelita Pangilinan, Regional Director ng DoH Region 2 sa paglulunsad ng Bivalent Booster.
Nauna anya sina Dr. Glenn Mathew Baggao at Dr. Cherry Lou Antonio, Chief Medical Professional Staff ng CVMC na tumanggap ni Bivalent Vaccines para ipakita na ligtas ang naturang anti-covid 19 vaccine.
Sinundan anya ito ng mga health workers ng CVMC.
Magsisilbi itong third booster dose kung saan prayoridad dito ang eligible health workers at senior citizen.
Ipapamahagi sa mga ospital na nasa pangangasiwa ng DOH ang ibang doses na dapat na maibakuna sa mga recipients hanggang sa susunod na buwan.
Nilinaw ni Dr. Baggao na bago mabigyan ng 3rd booster shot na Bivalent ay dapat na nakatanggap na ng kompletong bakuna hanggang sa second booster shot.