-- Advertisements --

Kinumpirma ni Speaker Martin Romualdez na simula sa March 5,2024, itataas na sa P500 ang buwanang limit sa diskwento na nakukuha ng senior citizens at persons with disabilities (PWD) sa pagbili ng grocery at iba pang prime commodities katulad ng bigas, itlog, tinapay, at iba pa.

Ito’y matapos nakipagpulong si Speaker Romualdez nuong Martes ng gabi sa mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamumuno ni Usec. Carolina Sanchez.

Ipinaalam ng DTI sa nasabing pulong na sila ay sumusuporta sa suhestiyon ng lider ng Kongreso na itaas ang limit sa diskuwento ng seniors at PWDs.

Una ng hiniling ni Speaker Romualdez ang pagtataas sa 5 porsyentong diskwento na nakukuha ng mga seniors at PWDs na limitado lamang sa P65 kada linggo.

Sinabi ni Romualdez na ang anunsyo kaugnay ng pagtataas ng discount limit sa P125 kada linggo o P500 kada buwan ay sumunod sa ginawang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas kung saan ang mga Pilipino na magdiriwang ng kanilang ika-80, 85, 90, at 95 kaarawan ay makatatanggap ng tig-P10,000.

Ayon kay Speaker Romualdez, nakikipag-ugnayan na ang liderato ng Kamara kay Pangulong Marcos upang matupad ang pagnanais nito na magkaroon ng malasakit at pantay na lipunan.

Bagamat nasa proseso pa ng konsultasyon, sinabi ni Sanchez na inaasahan na maipatutupad ang pagtataas sa buwanang discount limit sa Marso.

Nilinaw naman ni Sanchez na ang kasama lamang sa binibigyan ng diskwento ay ang mga pangunahing bilihin at prime commodities gaya ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at fresh o processed milk, maliban sa mga medical grade milk.

Kasali rin ang mga manufactured goods gaya ng processed meat, sardinas, at corned beef pero hindi kasali ang mga premium brands.

Ang mga senior citizens at PWDs ay bibigyan din ng diskwento sa pagbili ng pangunahing construction supplies gaya ng semento, hollow blocks, electrical supplies kasama ang bombilya.

Ang mga premium items kasama ang mga non-essential food gaya ng cake at pastries ay hindi kasali sa bibigyan ng diskwento, ayon kay Sanchez.

Kapag naipalabas na umano ang inter-agency circular, sinabi ni Sanchez na ilalathala ng DTI ang listahan ng mga item na kasali sa ibibigay na diskwento.