BUTUAN CITY – Naghatid ng karangalan ang apat na mga Butuanon arnis at karatedo artists na bahagi ng Team CaragaGold mula sa Ampayon Central Elementary School matapos muling makasungkit ng mga medalya sa ikalawang araw ng kompetisyon sa 2026 Palarong Pambansa.
Kahapon, nakamit ni Angela Mejias mula sa Ampayon Central Elementary School ang gintong medalya sa arnis individual espada y daga weapon elementary girl’s category, habang si Chinn Jo Auxtero ay nagwagi ng tansong medalya sa likhang anyo double identical weapon category at nakakuha rin ng unang gintong medalya para sa arnis event.
Samantala si Rayven Maratas naman mula sa Agusan National High School ay nakakuha ng tansong medalya sa arnis likha anyo individual double weapon secondary boys category, at si Kyle Gio Rosales, 13-anyos na karatedo athlete mula sa Butuan City, ay nagwagi ng tansong medalya sa secondary category.
Ang mga tagumpay na ito ay nagbigay ng malaking karangalan sa rehiyon at nagpapatunay na marami pang kabataang atleta ang may talento at potensyal na makipaglaban sa pambansang antas habang nagpapatuloy pa ang iba pang sporting events sa Palarong Pambansa.
















