Nangako ang sangay ng Department of Agriculture na Bureau of Plant Industry na magpapatupad ng mga reporma para mapigilan ang manipulasyon sa presyo ng sibuyas.
Ginawa ng ahensiya ang naturang commitment matapos makipagkita ang mga opisyal nito kay House Speaker Martin Romualdez, House appropriations panel senior vice chairperson Stella Quimbo, at House agriculture and food panel chairperson Mark Enverga limang araw matapos sabihin nina Quimbo at Enverga na mayroong onion cartel at hindi ito magtatagumpay ng walang tulong mula sa ilang mga nasa gobyerno.
Sa isang statement mula sa House Speaker, sinabi nito na sa isinagawang pagpupulong nangako si BPI Director Glenn Panganiban na magsusumite ng policy reforms naia-adopt para mapigilan ang manipulasyon ng agricultural products lalo na sa sibuyas.
Kabilang sa mga repormang ito na natalakay sa congressional probe sa sibuyas ay ang pagiging bukas sa pag-aangkat ng sibuyas upang maiwasan ang ilang traders sa pagharang ng mga suplay, frontloading aid para sa mga magsasaka upang maitaguyod ang produksyon, ang posibilidad ng pagsuspinde ng pag-aangkat sa panahon ng anihan at pagrepaso sa umiiral na mga taripa sa mga inangkat na sibuyas upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka.
Sinabi din ni Romualdez na itutuloy ng Kamara ang pag-uusig sa mga sangkot umano sa kartel, mga profiteer, kabilang ang mga local traders at iba pang players sa industriya ng sibuyas na patuloy na nanamantala sa mga mamimili.
Una rito, nagsagawa ng inquiry ang House agriculture and food panel kaugnay sa biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas sa huling quarter ng 2022, kung saan umabot pa sa P700 kada kilo.
Inaasahang ia-anunsyo ng panel ang mga rekomendasyon nito bilang resulta ng inquiry sa loob ng dalawang linggo.
Nauna nang kinuwestyon ni Quimbo, kung bakit binigyan ng BPI ang tatlong kumpanyang may koneksyon sa isang kumpanyang tinatawag na PhilVieva, na iniuugnay ng mambabatas sa mga ilegal na aktibidad ang mayorya ng mga permit sa pag-angkat ng sibuyas noong 2022.
Ang tatlong kompaniya ang pinakamalaking importer ng puting sibuyas noong 2022 na may kabuuang volume na hindi bababa sa 5,445 metric tons na katumbas ng 68.74% ng kabuuang imported volume.
Ang parehong mga entity na ito rin ay nag-import ng 7,648 metric tons ng pulang sibuyas noong 2022 na 41.02% ng kabuuang imported volume.