-- Advertisements --
ink voted

Umaasa ngayon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na makikibahagi ang mga persons deprived of liberty (PDLs) sa isasagawang voter registration na muling ipagpapatuloy ngayong araw.

Ang voter registration na isasagawa ng Commission on Election (Comelec) ay bilang paghahanda na rin sa 2023 barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Kasabay nito, todo naman ang paghimok ni BJMP chief Jail Director Allan Iral sa lahat ng mga PDLs na hindi convicted ng final judgment na magparehistro at makibahagi sa halalan sa susunod na taon.

Aniya, ang pagboto ay isang karapatang pantao na lubos na pinapahalagahan ng BJMP.

Ito ay para rin umano masiguro na walang mapag-iiwanan sa ating mga kababayan lalo na ang mga nakakulong sa iba’t ibang mga jail facilities sa buong bansa.

Naniniwala naman si Iral na makikibahagi ang mga PDLs sa 2023 elections gaya ng pakikipag-participate ng mga ito sa katatapos na halalan noong Mayo 9.

Sa May 2022 national elections, naitala ng BJMP ang voter turnout na 29,286 o 88.67 percent ng mga 33,027 registered PDLs.

Nanguna sa pinakamaraming bumoto noong halalan ay ang Cebu City Jail – Male Dormitory na mayroong PDL registered voters na 1,102.

Sinundan ito ng Talisay City Jail – Male Dormitory na may 878 PDL voters at Lapu-Lapu City Jail – Male Dormitory na may 701 PDL voters.

Sa 477 BJMP jail facilities, 180 naman ang mayroong 50 PDL registered voters.

Kung maalala, noong Marso 22, ay inilabas ng Supreme Court ang Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 9371 na nagbibigay ng permiso sa mga PDL na mag-register at bumoto sa national at local elections.

Sa ilalim ng naturang guidelines na itinakda ng Comelec, kabilang sa mga PDL na kuwalipikado para mag-register ang mga sumusunod.

Ang mga inmate na mayroong edad na 18-anyos sa araw mismo ng halalan o ang mga ipinasok sa mga pasilidad o detention center na nasa anim na buwan na ang itinagal sa piitan bago ang halalan.

Kabilang din dito ang lahat ng mga nasa jail facility o detention center na mayroong naisampang kaso dahil sa nagawang krimen at naghihintay ng hatol.

Ang mga nagsisilbi ng sintensiya ng pagkakakulong na hindi bababa sa isang taon o ang mga mga inmate na naghihintay ng apela sa kanilang mga conviction.

Ang mga PDLs namang hindi kuwalipikado ay ang mga mayroong sintensiya na final judgment at makukulong dahil sa pagkakasala ng hindi bababa sa isang taon.

At ang mga adjudged ng final judgment ng korte ng competent jurisdiction o tribunal dahil sa kanilang nagawang krimen ay disloyalty sa constituted government.

Kabilang na rito ang rebellion, insurrection, mga lumabag sa firearms laws o ano mang crime against national security.

Una rito, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang registration period ay mula Disyembrer 12, 2022 hanggang Enero 31, 2023.

Ang mga qualified voters ay puwedeng bumisita sa Comelec office sa kanilang mga lungsod at munisipalidad mula Lunes hanggang Sabado mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Kasabay nito, pinaalalahanan naman ng komisyon ang publiko na samantalahin ang schedule dahil isasagawa ito sa loob lamang ng isang buwan.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, ang registration period ay hanggang sa Enero 31, 2023.

Sinabi nitong mayroon umanong mga mall sa labas ng National Capital Region (NCR) na kanilang kinausap para sa pilot test areas ng Register Anywhere Project (RAP).

Ito ay maliban pa sa limang mall na matatagpuan naman sa Metro Manila na puwedeng makapag-accommodate ng mga qualified applicant na nakatira kahit saan mang sulok ng bansa.

Ito naman ay isasagawa tuwing Sabado at Linggo lamang sa Disyembre 17 hanggang Enero 22, 2023 maliban na lamang sa Disyembre 24, 25 at 31, 2022 at January 1, 2023.

Maliban naman sa mga mall, puwede ring mag-register ang mga aplikante sa Senate of the Philippines sa Pasay City sa Enero 25, 2023.

Ang Register Anywhere Project ay bubuksan din sa House of Representatives sa Quezon City at Government Service Insurance System (GSIS) Main Office sa Pasay City.

Ang mga aplikante naman ay inaabisuhang magdala ng valid proofs of identifications gaya ng National ID (PhilSys), passport, driver’s license, employment ID, student ID o library card na pirmado ng management ng mga paaralan, college or university, Senior Citizens ID, PWD ID, Indigenous Peoples Certificate mula sa National Commission on Indigenous Peoples at Barangay Certification na mayroong larawan at signature ng aplikante.

Para mag-qualify naman bilang Barangay voters, ang mga aplikante ay dapat 18-anyos pataas at residente ng Pilipinas ng kahit isang taon.

Dapat ay nakatira rin ito sa area kung saan siya magre-register sa loob ng kahit anim na buwan bago ang Election Day.

Para naman sa SK voters, ang mga aplikante ay dapat na Pilipino na may edad 15 hanggang 30-anyos at naninirahan sa area kung saan niya gustong magrehistro sa loob ng kahit isang buwan bago ang Election Day.