
Agad nilinaw ni Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. ang pagpayag sa mga persons deprived of liberty (PDLs) na makipag-usap sa kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay gamit ang mga gadget gaya ng cellphones at laptops.
Ayon kay Catapang kontrolado lamang naman daw ang paggamit ng mga inmates ng naturang mga gadgets.
Sinabi ni Catapang na nagpaalam din daw ito kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para sa paggamit ng mga inmate ng gadgets para makausap ang kanilang mga mahal sa buhay.
Isa rin umano itong paraan para maibaba ang bilang ng mga kontrabandong ipinapasok sa mga piitan gaya ng cellphone at maiwasan ng mga inmates ang mga riot.
Paliwanag ni Catapang, isang paraan daw kasing ginagawa ng mag inmate ang magsagawa ng riot para matanggal ang kanilang stress at maging masaya sa buong araw.
Tiniyak din ni Catapang na regular at mahigpit nilang imo-monitor ang usapan ng mga inmate at kanilang mga mahal sa buhay.
Aniya, kapag papayag daw ang inmate ay puwede nilang i-record ang usapan para sa documentation.










