-- Advertisements --

Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVLOCS) ang Bulkang Bulusan sa Alert Level 1 nitong Linggo matapos makapagtala ng sunod-sunod na volcanic earthquakes sa nakalipas na mga araw.

Ayon sa Phivolcs, ang Alert Level 1 ay nangangahulugang nasa estado ng “low-level unrest” ang bulkan, kung saan may posibilidad ng mga phreatic o steam-driven eruptions.

Iniulat ng ahensya na umabot sa 475 volcanic earthquakes ang naitala mula Marso 15, karamihan ay mahihinang volcano-tectonic earthquakes na dulot ng pagbitak ng mga bato sa mababaw na bahagi sa ilalim ng bulkan.

Ayon sa Phivolcs, ang ganitong dami ng pagyanig ay kahalintulad ng mga naobserbahan bago ang mga pagsabog ng Bulusan noong Hunyo 2022 at Abril 2025.

Bukod sa seismic activity, nakapagtala rin ang Phivolcs ng pag-umbok o inflation sa kanlurang bahagi ng bulkan mula huling linggo ng Enero, at sa timog-silangang bahagi mula unang linggo ng Marso 2026.

Samantala, nananatiling mahina hanggang katamtaman ang degassing activity mula sa mga aktibong bunganga. Naitala ang sulfur dioxide (SO2) emission na nasa 91 tonelada kada araw noong Marso 17—mas mababa kaysa sa karaniwang antas.

Ayon sa Phivolcs, ang kombinasyon ng mga ito ay maaaring indikasyon ng mababaw na hydrothermal processes, na posibleng magdulot ng biglaang pagsabog ng singaw sa alinman sa mga bunganga ng bulkan.

Mahigpit na pinapayuhan ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan at residente na ipagbawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan.