-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga pinapalutang na ispekulasyong ginamit ang COVID-19 sa “great escape” ng mga high profile inmates sa New Bilibid Prisons (NBP).

Magugunitang marami ang nagdudududang totoong namatay sa COVID-19 ang siyam na high profile inmates na kinabibilangan ng convicted druglord na si Jaybee Sebastian at baka pinatakas umano at ibang bangkay ang pina-cremate.

Sinabi ni BuCor spokesman Col. Gabriel Chaclag, nakakaubos lamang ng enerhiya at resources sa pagsasagot sa mga ganitong haka-haka at wala namang katotohana.

Ayon kay Col. Chaclag, napakaimposible ang ganung senaryo dahil daang-daang guwardiya ang makakakita o dapat kasabwat sa “grand conspiracy.”

Iginiit ni Col. Chaclag na totoo silang nagseserbisyo sa BuCor batay sa mga patakaran at hindi sila pasisilaw sa anumang konsiderasyon para gawin ang nasabing “insinuation.”