-- Advertisements --

Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na posibleng tumaas ang inflation sa pagitan ng 3.1 at 3.9% ngayong buwan ng Marso.

Sinabi ng BSP na ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, bigas, at kuryente, kasama ang pagbaba ng halaga ng piso, ang maaaring nagtulak sa pagtaas ng mga bilihin.

Samantala, ang mas mababang presyo ng gulay, isda, at karne ay nakakatulong naman upang mapanatiling mababa ang inflation.

Noong Pebrero, umabot ang inflation sa 2.4%, na pinalakas ng mas mataas na presyo sa pabahay at pagkain. Nang panahong iyon, sinabi na ni National Statistician Dennis Mapa na maaaring tumaas pa ang inflation sa mga susunod na buwan dahil sa krisis sa Gitnang Silangan.

Nitong nakaraang linggo, inaasahan ng BSP na aabot sa average na 5.1% ang inflation sa 2026 dahil sa epekto ng mataas na presyo ng langis kasunod ng digmaan sa Gitnang Silangan.

Ang projection na ito ay mas mataas kaysa sa naunang forecast at mas mataas din sa target ng gobyerno na 2 hanggang 4 na porsyento.