-- Advertisements --

Nakabalik na sa bansa ang offshore patrol vessel ng Philippine Navy na BRP Andres Bonifacio (PS-17) pagkatapos ng matagumpay na paglahok nito sa “Komodo” naval exercises sa Indonesia.

Ayon sa Philippine Navy, pagkatapos ng matagumpay at makabuluhang partisipasyon sa Multilateral Naval Exercise ‘Komodo’ 2023 sa Makassar, Sulawesi, Indonesia, dumating ang BRP Andres Bonifacio sa karagatan ng Pilipinas sa tamang oras para sa pagdiriwang ng ika-125 na Kalayaan ng Pilipinas.

Dahil sa seguridad, hindi inihayag ng BRP Andres Bonifacio ang eksaktong lokasyon nito sa karagatan ng Pilipinas.

Ang “Komodo” ay isang military exercise ng Indonesian Navy taun-taon na ginaganap sa pagitan ng Indian at Pacific Oceans.

Ang unang naval exercise ay naganap noong 2014 sa Batam City ng Indonesia.

Kung matatandaan, ang mga pagsasanay ngayong taon ay naganap mula noong Hunyo 4 hanggang 8.

Ang BRP Andres Bonifacio ay umalis sa Naval Operating Base Subic noong Mayo 29 upang lumahok sa nasabing mga naval drills.

Una na rito, ang BRP Andres Bonifacio ay naging epitome ng isang tagapagtanggol ng kalayaan na nagpapatrolya sa buong kapuluan, nagpoprotekta sa mga kritikal na lugar, at nagtataguyod ng mga interes sa dagat ng ating bansa.