Kumpyansa si Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairperson Panfilo Ping Lacson lumalakas ang suporta para sa partial committee report hinggil sa kontrobersyal na flood control projects matapos na madagdagan ito ng dalawang pirma.
Sinabi ni Lacson na lumagda sina Senate President Vicente Sotto III at Blue Ribbon vice chairman Erwin Tulfo.
Ayon pa sa senador, may ilan pang miyembro ng komite ang nagpahiwatig na handang pumirma, bagama’t may ilan ding nag-aatubili dahil umano sa impluwensya ng kanilang mga dating kasamahan sa mayorya.
Sa kasalukuyan, umabot na sa anim ang lagda sa partial report, ngunit kailangan pa ng hindi bababa sa tatlo upang maihain ito sa plenaryo ng Senado. Kapag naisumite, maaari na itong pagdebatehan, amyendahan, at tuluyang pagtibayin.
Iginiit ni Lacson na hindi niya pipilitin ang kanyang mga kapwa senador na lumagda, bilang paggalang sa kanilang indibidwal na desisyon. Gayunman, sinabi niyang nag-alok ng tulong si Sotto upang makahikayat pa ng suporta.
Nauna nang sinuspinde ni Lacson ang mga pagdinig ng komite ukol sa isyu ng flood control hanggang maipresenta ang ulat sa plenaryo.
Ayon sa kanya, magiging walang saysay ang pagpapatuloy ng mga pagdinig kung hindi ito hahantong sa isang kongkretong ulat na maaaring talakayin at pagpasiyahan ng buong Senado.
















