-- Advertisements --

CEBU CITY – Ipinag-utos ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na higpitan uli ang mga border controls sa buong lungsod simula ngayong araw, Nobyembre 16.

Ito’y kasunod ng tumataas umanong bilang ng mga nahawaan ng coronavirus kung saan naitala ng Department of Health-7 ang 59 new cases sa lungsod.

Sa naging anunsyo ng alkalde kagabi sa kanyang Facebook page, sinabi nito na ipapatupad ang mas pinahigpit na seguridad sa border controls simula alas-5:01 ng umaga.

Papayagan lang aniya na makalabas-pasok sa lungsod ang mga may “legitimate concerns,” mga trabahante at APOR (authorized person outside residence) sa lungsod.

Hihigpitan din ang paglabas ng mga residente dahil ibabalik din ang coding scheme sa mga quarantine passes.

Ayon kay Labella, kailangang higpitan ang paglabas ng mga Cebuano upang hindi lumala at lumobo uilt ang mga nahawaan ng deadly virus.

Dagdag pa nito na ayaw niyang ibalik ang enhanced community quarantine (ECQ) sa lungsod kaya kailangang higpitan ulit ang mga quarantine measures.

Nakatakdang maglabas ang alkalde ng Executive Order (EO) hinggil sa nasabing anunsyo.

Kung maaalala, nagbabala ang EO Deputy Chief na si Coun. Joel Garganera na maaaring ibalik sa lockdown ang lungsod ng Cebu kung lolobo ulit ang coronavirus infections sa lungsod.