Mas mabilis ngayon ang biyahe sa EDSA kahit pa malapit na sa pre-pandemic level ang volume ng mga sasakyan na bumabaybay dito, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos, kunwari sa southbound, ang bilis na maaring itakbo ng mga sasakyan ay nasa 21 kilometers per hour, mas mabilis kaysa dating 11 kilometers per hour lamang.
Ang malaking volume ngayon ng mga sasakyan sa EDSA ang siyang dahilan kung bakit naman kinukonsidera na ng MMDA na muling ipatupad ang number coding scheme tuwing rush hours.
Sinabi ni Abalos na 399,000 sasakyan ang dumaan sa EDSA noon lamang Nobyembre 3 nang inilagay ang National Capital Region sa Alert Level 2.
Ang bilang na ito ay malapit na aniya sa 405,000 na mga sasakyan na naitala noong bago pa man nagkaroon ng COVID-19 pandemic.
Magugunita na noon pang 2020 nang sinuspinde ang number coding scheme sa Metro Manila dahil sa pandemya.
Kapag maibalik ulit ito, sa halip na buong araw, ipapatupad ang number coding scheme mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi lamang.
Nananatili pa rin kasi aniyang limitado sa ngayon ang passenger capacity na pinapahintulutan para sa mga pampublikong sasasakyan.