KALIBO, Aklan — Patuloy na humahakot ng iba’t-ibang komento at reaksyon mula sa mga netizen ang viral video at mga litratong ibinahagi sa social media ni Peter Magsipoc ng Culasi, Antique.
Ito ay kaugnay sa birthday celebration na may pangpatay na tema na kanilang inihanda para sa katrabahong si John Michael Domingo.
Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni Magsipoc na hindi niya inaasahang magiging viral ang post na sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 1 million views.
Ang may ideya umano sa naturang tema ng selebrasyon ay ang kanilang amo mismo na babae dahil mahilig itong mag-isip ng mga pakulo para sa kaarawan ng kanyang mga empleyado.
Sa kabilang daku, positibo naman ang kanyang pagtanggap sa mga bumabatikos sa kanyang post.
Sa kabilang daku, aminado si Magsipoc na marami nang mga vlogger at social media personality ang nakikipag-ugnayan sa kanya.
Samantala, naging emosyonal naman ang birthday celebrant na si John Michael Domingo matapos makita ang pamatay na sorpresa sa kanya.
Hindi umano niya inaasahang mag-effort ng todo ang mga ito para sa hiling na gustong magkaroon ng tahimik na kaarawan.
Batay sa mga litratong ini-upload, makikita ang isang kabaong na gawa sa karton na nilagyan ng mga handa na kinabibilangan ng spaghetti, fried chicken at cake na may litrato pa ni Domingo na mistulang patay na nakapikit ang mga mata.