-- Advertisements --

LA UNION – Sugatan ang isang 19-anyos na binatilyo matapos itong pagtatagain ng lolo sa Barangay Sta. Rita West sa bayan ng Aringay, La Union.

Nakilala ang biktima na si Jimmy Aquino Jr.; habang nakilala naman ang suspek na si Juan Nevirida, 60-anyos, kapwa residente sa nasabing barangay.

Base sa imbestigasyon ng Aringay Police Station, nag-iinuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagdiwang ang kaarawan nito nang dumating umano ang naghaharumintadong suspek kasunod ang pananaga.

Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima at agad na dinala sa Caba District Hospital upang malapatan ng lunas.

Agad namang naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Aringay Police Station.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PSSg. Bonifacio Dacanay, imbestigador ng naturang himpilan ng pulisya, sinabi nito na naingayan umano ang suspek sa mga nag-iinuman kaya napasugod ito sa nabanggit na lugar.

Samantala, nasa mabuting kalagayan na ang biktima at nakalabas na rin sa pagamutan habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.