-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Hustisya ang sigaw ng pamilya ng isang binata na pinaniniwalaang namatay sa hazing sa sinalihang fraternity sa Surigao City.

Nakilala ang biktimang si Robert John Limpioso Fernandez, 22-anyos na tricycle driver mula sa residente ng Purok 5, Barangay Canlanipa ng nasabing lungsod, neophyte member ng Alpha Kappa Rho (AKRHO) Fraternity and Sorority.

Ayon sa ama ng biktima na si Alipio, dakong alas-8:00 pa ng umaga nitong Sabado ay umalis ng kanilang bahay si Robert upang dumalo sa anniversary celebration ng AKRHO Fraternity.

Lasing na ito nang umuwi dakong alas-6:30 ng gabi matapos umanong sumali sa initiation rites ng nasabing fraternity sa Canlanipa Chapter.

Dakong alas-12:20 kahapon ng madaling araw nang magreklamo ito dahil nahirapan na sa paghinga kaya kaagad na dinala sa ospital ngunit idinekalarang dead on arrival ng attending physician.

Pinaniniwalaan ng mga kaanak nito na ginamitan ito ng paddle dahil sa dami ng mga pasa sa kanyang katawan at may mga paso pa.