CENTRAL MINDANAO – Isang lalaki sa lalawigan ng Cotabato ang kinitil ang sariling buhay matapos umano itong ipahiya sa pamamagitan ng isang post sa social media.
Kinilala ang lalaking nagpakamatay na si Jojo Malagante Banggat, 22, residente ng Sitio Kapatagan, Brgy. Luayon, Makilala Cotabato.
Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, nakita na lamang na nakalambitin gamit ang isang lubid si Banggat sa evacuation center sa Sitio Flortam, Brgy. Batasan Makilala, Cotabato.
Ayon kay Hazel Banggat, kapatid ng biktima, isa umanong post ng isang babae sa social media na may patungkol kay Jojo ang nagpahiya sa kaniyang kapatid.
Dagdag pa ni Hazel, lalong tumindi ang naging depresyon ni Jojo matapos na magawa pang i-share ng mga kapitbahay ang naturang social media post dahilan upang magpakamatay ang biktima.
Nananatili si Jojo at kanyang mga kapamilya sa nabanggit na evacuation center matapos na mawasak ang kanilang tahanan dulot ng sunod-sunod na malalakas na lindol nitong nakaraang taon.
Sa ngayon, patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Makilala-PNP kung mayroon pang ibang anggulo ang naturang insidente o kaya kung merong foul play.