CAUAYAN CITY- Tinutukan ng baril ang isang vendor at tinangay ang kanyang motorsiklo ng isang lalaki sa Veterans Steet, Barangay Plaridel, Santiago City.
Ang biktima ay si Nico Corpuz Tan, 18 anyos , binata, maglalako at residente ng nabanggit na Barangay.
Inilarawan ng biktima ang suspect na isang lalaking nakasuot ng itim at berdeng sumbrero, itim na jacket, pulang shorts at katamtaman ang tangkad.
Batay sa salaysay ng biktima, bago tinangay ang motorsiklo ay nakita niya ang suspect na binubuksan ang gate ng isang apartment sa nabanggit na lugar na tinitirhan ng isang Satvir Singh.
Inakala ng biktima na tangkang manloob ng pinaghihinalaan kaya sinita nito ngunit kumaripas ng takbo ang nasabing lalaki na kanyang hinabol.
Nang maabutan ito ay kinumpronta umano ni Tan ang pinaghihinalaan ngunit biglang inilabas ang baril mula sa sling bag at itinutok sa biktima.
Walang nagawa ang biktima nang tangayin ang kanyang motorsiklo na isang black/red Euro 125 ng suspect na kaagad tumakas at binagtas ang Roque Street
Nakipag-ugnayan na sa HPG isabela ang Presinto dos para sa posibleng pagkakarecover ng Motorsiklo habang patuloy naman ang Follow Up Operation na isinasagawa ng nabanggit na himpilan ng pulisya.
Ayon sa mga kasapi ng Presinto dos, nag-ulat lamang sa mga otoridad ang biktima matapos ang mahigit limang oras matapos tangayin ang kanyang motorsiklo.