-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Patay ang isang bilanggo matapos pagsasaksakin ng kapwa bilanggo sa provincial jail, Capitol compound sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay si Alvin Buscas, 21,binata, residente ng Brgy. District 4, Bayombong Nueva Vizcaya habang ang pinaghihinalaan na kapwa niya bilanggo ay si Esmeraldo Olarte III, 29, residente ng Madiangat, Quezon, Nueva Vizcaya.

Batay sa ulat ng Bayombong Police Station nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at suspek nitong mga nagdaang araw subalit nang muli silang magtalo ay inilabas ng suspek ang isang improvise knife na ginagamit sa kanilang livelihood program at sinaksak sa ulo at dibdib ang biktima.

Agad namang isinugod si buscas sa pagamutan subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Lumalabas na nag-ugat ang pagtatalo ng biktima at suspek na nauwi sa pananaksak, matapos na matamaan ng bola ng biktima ang naksampay na damit ng suspek.

Samantala,itinuturing naman ni OIC Provincial Jail Warden Carmelo Andrada na Isolated case ang pangyayari.

Aniya,sa ngayon ay magpapatuloy parin ang kanilang pagsisiyasat kung ano ang tunay na motibo ng suspek sa pananaksak.

Ang namatay na bilanggong ay may kasong Carnaping habang ang suspek ay nahaharap sa kasong frustrated homicide.