Malapit nang matapos ng Commission on Elections (Comelec) na umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC) ang bilangan ng mga boto para sa mga nanalong kandidato sa pagka-senador at party-list.
Iniulat ni Comelec spokesperson, Director John Rex Laudiangco na nasa 149 mula sa 173 na mga Certificates of Canvass (COC) ang nabilang na komisyon at kasalukuyan na lamang aniya nilang hinihintay ang natitira pang 24 COC mula sa iba’t-ibang mga lugar.
Aniya, tatlo sa mga ito ay electronically ipapadala sa Comelec mula sa Jordan, Hong Kong, at Lanao del Sur.
Habang ang 21 naman ay dadalhin mismo Philippine International Convention Center (PICC) Forum sa Pasay City kung saan isinasagawa ng komisyon ang naturang bilangan na magmumula naman sa 19 na mga bansa, isa mula sa Vulnerable Sectors Office, at isa naman ay magmumula naman sa North Cotabato.
Samantala, matatandaan na una rito ay tiniyak na ng komisyon na hindi maaantala ang proklamasyon ng mga nanalong kandito sa senatorial at party-list race at sinabing sa susunod na linggo ay posibleng isagawa na nila ito.










