-- Advertisements --

Tumaas na sa 41 ang bilang ng mga newly-overhauled light rail vehicles (LRVs) o bagon na matagaumpay nai-deploy ng pamunuan ng MRT-3 sa mainline, matapos madagdagan ito ng dalawa pa noong nakaraang linggo.

Pasado sa mga isinagawang serye ng speed at quality checks ang mga bagong overhaul na bagon na nakapagsasakay na ng mga pasahero.

Sa kasalukuyan, 31 na lamang sa 72 na bagon ng MRT-3 ang naka-ischedule ma-overhaul ng maintenance provider ng linya.

Ang isang tren ay binubuo ng tatlong (3) bagon. Nasa 17 hanggang 21 tren ang tumatakbo sa kasalukuyan sa mainline.

Ang general overhauling ng mga bagon ng MRT-3 ay bahagi ng malawakan at komprehensibong rehabilitasyon ng linya.

Nananatili pa rin sa 70% ang passenger capacity ng mga tren, na may katumbas na 276 na pasahero kada train car, 827 na pasahero kada train set.

Upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga pasahero, mahigpit na ipinatutupad ang COVID-19 health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren. Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.

Samantala, nagpapatuloy ang random antigen testing para duon sa mga voluntary at consenting MRT-3 passengers.

Sa morning peak period mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 kaninang umaga nasa 48 pasahero ang isinailalim sa antigen random testing kung saa 47 dito ay negative habang isa ang positibo.