-- Advertisements --

Patuloy na bumababa ang bilang ng mga nagiging pari sa Pilipinas, ayon sa datos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Sa kabila ito ng patuloy na paglago ng populasyon ng mga Katoliko sa bansa.

Noong 2016, naitala ang humigit-kumulang 61.6 million na Katoliko, ngunit pagsapit ng 2025 ay umabot na ito sa higit 73.6 million.

Sa kabila ng pagdami ng mga mananampalataya, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga pari.

Mula sa 12,964 noong 2016, bumaba ito sa 10,178 lamang noong nakaraang taon.

Itinuturing itong malaking hamon para sa Simbahang Katolika, lalo na’t tumataas ang pangangailangan sa pastoral na paglilingkod.

Kabilang sa mga nakikitang dahilan ng pagbaba ay ang mataas na matrikula sa mga seminaryo, ang mabigat na responsibilidad sa pamilya, at ang proseso ng internal discernment o masusing pagninilay sa pagtugon sa tawag ng bokasyon.

Dahil dito, nananatiling hamon para sa Simbahan kung paano mahihikayat ang mas maraming kabataan na pumasok sa pagpapari sa gitna ng lumalaking bilang ng mga Katoliko sa bansa.