-- Advertisements --

Asahan na naman ang panibagong malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Batay sa apat na araw na galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange, inaasahang tataas ang presyo ng diesel ng P6.00 hanggang P6.50 kada litro, habang posibleng madagdagan naman ng P5.50 hanggang P6.00 kada litro ang presyo ng gasolina.

Ayon sa oil industry source, muling sumipa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay. Kabilang na riyan ang mga limitadong pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz at lumalalang banta sa seguridad sa Bab el-Mandeb Strait, na nagpapataas ng panganib sa pandaigdigang suplay ng enerhiya at kalakalan.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang price adjustments tuwing Lunes, na agad namang ipinatutupad kinabukasan.

Matatandaang nitong nakaraang linggo, epektibo noong Hulyo 21, nagpatupad ang mga oil company ng dagdag-presyo na P3.50 hanggang P3.65 kada litro sa gasolina, P10.00 hanggang P10.68 kada litro sa diesel, at P11.60 hanggang P11.77 kada litro naman sa kerosene.

Dahil sa pinakahuling oil price adjustment, umabot na sa kabuuang P49.92 kada litro net increase sa presyo ng gasolina, P50.43 kada litro sa diesel, at P48.39 kada litro sa kerosene.