-- Advertisements --

Maraming improvement pa ang maaring gawin para maging COVID-19 pandemic responsive measure ang inaprubahang bersyon ng Bicameral Conference Committee ng 2022 proposed P5.024-trillion national budget, ayon sa Bayan Muna party-list.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, dapat tinanggalan na lang talaga ng Bicam ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa halip na bigyan pa ito ng P16 billion budget.


Sa halip na magamit pa ang pondong ito sa posibleng redtagging, pagpapakalat ng fake news at pork barrel, sinabi ni Zarate na mas mainam na magamit na lang ito sa COVID-19 response, lalo na ngayong may mga nagsusulputang variants.

“Nasa P53.478 million lang ang nabawas sa OP kapag kinumpara sa NEP,  samantalang napakaraming intelligence funds at confidential funds dito na pwede magamit para sana sa ayuda at iba pang pangangailangan ng ating mamamayan,” dagdag pa ni Zarate.

Pinuna naman ng kongresista ang “maliit lang” na idinagdag sa health budget, na aabot lang sa P1.2 billion.

Mas malaki pa rin aniya ang pondo na inilalaan para sa Armed Forces of the Philippines (P213.78 billion) at Philippine National Police (P190.69 billion) kaysa alokasyon sa pangkalusugan.