Nagsalita na ang aktres na si Bianca Umali matapos aminin ng kaniyang boyfriend na si Ruru Madrid na minsan na siyang nag-cheat sa kanilang relasyon.
Matatandaang ikinuwento ni Ruru na natukso siya sa ibang babae habang sila pa ni Bianca. Dahil dito, naghiwalay ang dalawa at tumagal nang walong buwan ang kanilang break.
Humingi umano ng tawad si Ruru kay Bianca at kalaunan ay nabigyan siya ng aktres ng second chance.
Ayon sa aktor, pinatunayan niya ang kaniyang pagmamahal kay Bianca at hindi na niya inulit ang kaniyang pagkakamali.
Sa panayam ni Ogie Diaz kay Bianca, tinanong ang aktres tungkol sa pag-amin ng kaniyang boyfriend.
Sinabi ni Bianca na pinili niyang patawarin si Ruru at sa halip ay binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging mabait at pag-unawa sa mga pinagdaraanan ng ibang tao.
“I think, the best advice to give to everyone is to always choose kindness at the end of the day,” ani Bianca.
Ayon pa sa aktres, maaaring makaranas sila ng pagkakamali, ngunit mahalagang piliing maging mas mabuting tao sa kabila ng mga pinagdaanan.
Hinimok din niya ang publiko na huwag magtanim ng sama ng loob, lalo na kung may taong nagkasala sa kanila.
“Huwag tayong humawak at manatili sa galit, sa sama ng loob,” wika ng aktres.
Para kay Bianca, mahalagang matutong magpatawad sa mga taong nagkakamali.
“Wala pong mas tama pa sa pagpapatawad,” dagdag nito.











