-- Advertisements --

Muling nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa laht ng mga aspiring o nagnanais na maging overseas Filipino workers (OFWs) na mag-ingat ang mga ito para hindi maging biktima ng trafficking at illegal recruitment schemes.

Sinabi ni Morente na ang human trafficking ay nananatiling banta sa mga Pinoy at patuloy din ang mga illegal recruiters na mambiktima sa mga tinatawag na vulnerable citizens.

Ang human trafficking aniya ay ikinokonsiderang “modern day slavery” at marami nang nabiktimang mga Pilipino.

Karaniwang ang mga biktima ay inaalok ng mga imposibleng working conditions at mangangako ang mga ito ng mas magandang buhay sa pamamagitan ng iligal na pagtatrabaho sa ibayong dagat.

Nagbunga ito ng overworked at underpaid sa panig ng mga OFW at minsan ay hindi na nababayaran ang mga ito.

Ang iba ring mga OFW ay naabuso raw dahil sa kanilang kahinaan.

Noong 2021, naharang ng BI ang 688 attempts ng human trafficking at illegal recruitment sa mga international ports ng bansa.

Sa parehong taon, napigilan din ng BI ang pag-alis ng 13,680 passengers na walang maayos na mga dokumento.

Karaniwan ding nagbibigay ng mga pekeng dokumento o sinasanay ang mga biktima na magsabi ng mga pekeng statements para makapagtrabaho sa ibayong dagat.

Ang paalala ng BI commissioner ay para maging aware ang mga OFW sa panganib na dulot ng human trafficking at illegal recruitment.

Hinimok din ni Morente ang mga gustong mangibang bansa na mag-apply lamang sa mga lehitimong recruitment agencies na accredited ng pamahalaan.

Nangako naman si Morente na tuloy-tuloy ang pagpupursige ng BI para labanan ang human trafficking.