Nangako ang Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na magbibigay ng agarang tulong sa mga naulilang pamilya ng tatlong mangingisdang namatay sa FB Dearyn nang ito ay mabangga malapit sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa pahayag na inilabas ng DA-BFAR, nagbigay na ang bureau ng P20,000 at food packs sa burol ng mga biktima sa Subic, Zambales.
Magbibigay din ang kawanihan ng scholarship sa kolehiyo para sa mga anak ng biktima, kabilang ang tuition fee sa institusyon kung saan sila magiging kwalipikado, buwanang stipend, at allowance sa thesis hanggang sa graduation.
Ayon kay DA-BFAR National Director Demosthenes Escoto, uunahin din ng DA-BFAR para ang mga bata para sa trabaho sa hinaharap.
Samantala, nakatanggap naman ng P2,000 cash aid at food packs mula sa bureau ang 11 survivors gayundin ng karagdagang livelihood packages tulad ng karagdagang pagsasanay at kagamitan sa pangingisda.
Nangako rin ang BFAR na magbibigay ng bagong 62-foot fiberglass reinforced plastic (FRP) fishing boat sa Subic Commercial Operators Fishing Association Inc., at tulong sa pagpapanumbalik ng nasirang FB Dearyn sa sandaling makuha mula sa bahagi ng West Philippine Sea.