-- Advertisements --
BFAR

Iniimbestigahan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang napaulat na pagkamatay ng maraming isda o kilala bilang ‘fish kill’ sa Lungsod ng Cavite.

Unang natanggap ng BFAR ang ulat mula sa Phil Coast Guard at Lokal na pamahalan ng Cavite at agad nagtungo ang mga kinatawan ng Fisheries Bureau sa Cañacao Bay, kung saan unang nakita ang maraming patay na isda.

Sa inisyal na impormasyong inilabas ng BFAR, nakasaad dito na ang mga nakitang patay na isda ay tinatawag na ’tilapiang gloria’, isang uri ng tilapia ngunit mas mura kaysa sa mga karaniwang tilapia.

Hindi umano kailangan ng mga naturang isda na maalagaan pa sa mga fish cage.

Agad namang nangulekta ang BFAR ng samples sa mga naturang isda at patuloy pa ring pinag-aaralan ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito.

Maliban sa sample ng mga isda, kumuha rin ang BFAR ng sample ng tubig upang masuri ang content o nilalaman ng tubig kung saan natagpuan ang mga patay na isda.

UNa naring sinabi ng Phil Coast Guard(PCG) na binabantayan nila ang naturang problema, lalo na at kinailangan na ring mailikas ang maraming residente dahil sa masansang amoy ng mga namatay na isda.