Umalis na patungong Albania ang beauty queen na si Chelsea Fernandez para kumatawan sa Pilipinas sa Miss Globe international pageant.
Ibinahagi ng Binibining Pilipinas ang mga larawan ni Fernandez na iwinawagayway ang watawat ng Pilipinas bago siya pumasok sa airport para simulan ang kanyang bagong paglalakbay.
Si Fernandez, na tubong Tacloban City, ay naghahangad ng back-to-back victory para sa Pilipinas sa The Miss Globe pageant na gaganapin sa Tirana, Albania sa Oktubre 15.
Ang reigning Miss Globe ay ang kababayan ni Fernandez na si Maureen Montagne.
Noong nakaraang buwan, ang Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) ay nagsagawa ng isang nakakaganyak na send-off hindi lamang para kay Fernandez kundi pati na rin para sa Binibining Pilipinas Intercontinental Gabrielle Camille Basiano at Binibining Pilipinas Grand International Roberta Tamondong.
Sasabak si Basiano sa Miss Intercontinental beauty pageant sa Sharm El Sheik sa Egypt sa Oktubre 14. Umaasa siyang magkaroon ng back-to-back na panalo kasama si reigning Miss Intercontinental 2021 Cinderella Obeñita. (report from Bombo Chill Emprido)