Inaasahan na ng Malacañang ang backlash o pag-alma ng mga kritiko sa pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committe on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kahit anong gawin ni Pangulong Duterte ay wala namang nakikitang maganda ang mga kritiko sa mga ginagawa nito para sa bayan.
Ayon kay Sec. Panelo, kabaliktaran ang mga sinasabi ng mga kritiko sa mga reaksyon mula sa mga Pilipino kung saan batay sa mga resulta ng survey, 85% sa mga ito ang nakikita ang sinseridad ni Pangulong Duterte sa paglaban kontra sa salot na droga.
Hindi rin aniya nakikita ng mga taga-oposisyon na maraming Pilipino ang nagsabing malaki na ang pinagkaiba simula noong umupo si Pangulong Duterte sa puwesto kabilang na ang pagbaba ng antas ng kriminalidad.