Nagpaliwanag si Basti Artadi, lead vocalist ng Wolfgang, ukol sa viral video kung saan makikitang pinaalis niya sa entablado ang isang audience member sa kanilang reunion concert sa Davao noong nakaraang linggo.
Sa isang video message na in-upload nitong Martes, sinabi ni Basti na ang insidente ay nangyari habang siya’y nagbigay-pugay sa yumaong bassist ng banda na si Mon Legaspi, na pumanaw noong 2022.
Ayon sa kanya, ilang tao ang nag-interrupt sa kanyang pagbibigay-galang kaya ito nagdulot ng tensyon.
“And that was bastos, simple as that,” ani Basti. Idinagdag niya na ang mga kumakalat ng video ay nagiging sanhi pa ng maling interpretasyon at paggamit nito sa pulitika, na sa tingin niya ay nagdidistansya sa mga tao sa isa’t isa.
Ipinaliwanag pa ng frontman na ang nangyaring girian sa concert ay nag-ugat sa ilang audience na nag-heckle gamit ang mga political stunt habang siya ay nagbigay-pugay kay Legaspi.
Makikita pa sa video ang ilang audience members na nag-heckle tungkol sa pulitika habang siya’y nagbigay-pugay. Matapos ang ilang abala, sinabi ni Basti, “if you want to do your freedom of speech, go to the fu— hallways and do it there because right here, this is rock n’ roll country. And I’m talking about Mon Legaspi so keep quiet for a bit so I can share a little bit about this guy.”
Hindi na nakapagpigil si Basti sa kanyang inis at inutusan ang security na palabasin ang audience member.
Ang insidente ay sinundan ng hiyawan ng crowd at ipinagpatuloy ng banda ang kanta nilang “Anino.”











