-- Advertisements --

Hinimok ng ilang kongresista ang Commission on Elections (Comelec) na maglabas ng “base” guidelines para sa pagdaraos ng campaign rallies kaugnay ng 2022 national at local elections.

Sa pagdinig ng House committee on suffrage and electorial reforms, iginiit nina Iloilo Rep. Lorenz Defensor at Caloocan City Rep. Edgar Erice na hindi dapat basta ipaubaya lamang sa mga local government units ang paggawa ng sistema para sa campaign rallies sa pamamagitan ng mga local ordinances.

Pangamba nina Defensor at Erice na baka magamit lang din ng mga incumbent official na tatakbo sa 2022 polls ang mga ilalabas nilang ordinansa para sa kanilang sariling interes.

Para maging patas salahat, mahalaga anila na magbaba ang Comelec ng kanilang guidelines upang sa gayon ay mapanatili rin ang kaayusan sa harap ng COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ni Comelec Commissioner Antonio Kho Jr. na didipende rin sila sa magiging polisiya na ilalabas naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious diseases sa mga susunod na buwan.

Lahat ng mga aktibidad aniya sa panahon ng kampanya ay magiging subject sa mga polisiyang ilalabas ng IATF-EID.