Lumalabas na pag-aari umano ng lolo ng menor de edad na Grade 9 student ang narekober na baril sa loob ng kaniyang bag sa Pinamungajan, Cebu, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Jose Melencio Nartatez Jr.
Subalit, kasalukuyang bineberipika pa kung sino ang nagmamay-ari ng baril at ang mga sirkumstansiya sa pag-aari nito. Sakali aniyang mapatunayan, magtatakda ng karampatang pananagutan alinsunod sa umiiral na batas.
Sa isang statement, sinabi ng PNP chief na base sa inisyal na imbestigasyon, nadiskubre ang baril sa loob ng bag ng estudyante sa isinagawang bag inspection, dahilan para agad itong ikoordina sa pulisya.
Nang marekober aniya ang baril wala itong lamang mga bala at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya para sa maayos na disposisyon.
Itinurn-over naman na ang minor na estudyante sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang interbensiyon alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.
Nagpaalala naman ang PNP sa mga magulang, guardians at firearm custodians na itago nang maayos ang mga baril na hindi maabot ng mga bata o hindi awtorisadong indibidwal.
Gayundin, hinikayat ng pambansang pulisya ang mga paaralan at komunidad na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa tuwing may banta sa kaligtasan.









