-- Advertisements --

Binawian ng buhay ang isang barangay konsehal matapos ang nangyaring aksidente kahapon Agosto 14,na kinasasangkutan ng dalawang motorsiklo sa Brgy. Looc sa bayan ng Asturias Cebu.

Nakilala ang nasawi na si Alfeo Balza, 49 anyos habang sugatan naman si Renan Obligar, 26 anyos, isang construction worker.

Sa naging panayam ng Star Fm Cebu kay Police Master Sergeant Bendi Nuñez, sinabi nito na binabaybay ng dalawa ang magkabilang direksyon nang mangyari ang aksidente.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-overtake si Balza sa isa pang sasakyang nauna nito nang nakasalubong niya ang motor na minamaneho ni Obligar kaya nangyari ang banggaan.

Agad pang isinugod sa Infirmary Clinic ng nasabing bayan si Balza ngunit idineklarang dead on arrival.

Sinabi pa ni Nuñez na hindi naman pauwi ang biktima nang mangyari ang aksidente. Hindi naman umano ito nakainom ngunit dahil sa pagmamadali ay humantong ito sa disgrasya.

Samantala, patuloy naman umanong nagpapagaling si Obligar isang pagamutan sa bayan ng Balamban matapos nagtamo ng lubhang sugat sa katawan nito.