CENTRAL MINDANAO-Nagdulot ng malaking problema ang mga baradong waterways tulad ng drainage at ang mga tambak na basura sa tabing-ilog at mga kanal sa iba’t-ibang lugar sa Lungsod ng Kidapawan.
Ito ang iniulat ni City Disaster Risk Reduction and Management o CDRRM Officer Psalmer Bernalte sa Incident Command Post meeting na ginanap sa City Mayor’s Office.
Ayon kay Bernalte, lubhang napakalakas ang ulan sa lungsod kung saan umabot ito sa 144.4 mm rainfall na naging sanhi ng pagbaha sa ilang mga barangay at naging malala ito dahil sa mga baradong waterways at mga basurang itinapon sa mga tabing-ilog at pati na sa mga kanal.
Katunayan, umabot sa mahigit 12 tonelada ng basura ang nakolekta ng team mula sa City Engineering Office matapos linisin ang mga baradong waterways sa mga binahang barangay tulad ng Sudapin, Balindog, Kalasuyan, Lanao, Singao, Poblacion, at iba pa.
Kaugnay nito, nanawagan si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista sa publiko na palakasin pa ang kamalayan sa wastong pagtapon ng basura at pangangalaga ng kalikasan upang maiwasan ang kahalintulad na sitwasyon kung saan naging malala ang mga insidente ng pagbaha.
Ipinag-utos ng Alkalde sa City Engineering Office ang agarang pagsasaayos ng mga nasirang drainage at box culverts, ilan dito ay nasa Barangay Lanao at Sudapin at ang mabilisang de-clogging at desilting ng mga waterways na ginagawa naman ng tanggapan sa mga oras na ito.
Sa kabilang dako, pinag-iingat naman ng City Health Office o CHO ang mamamayan sa mga sakit na posibleng makuha kaugnay ng baha tulad na lamang ng leptospirosis.
Nakukuha ang sakit mula sa mga hayop na nagdadala ng Leptospira bacteria na naikakalat sa tubig-baha.
Payo ngayon ni City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo sa publiko na kung may nararamdamang sintomas ng leptospirosis tulad ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan, pagsusuka at jaundice (paninilaw ng balat at mata), rashes at iba pa ay agad na magpatingin sa doktor.