-- Advertisements --

Inilunsad ng mga grupo mula sa civil society ang “Bantay Senado,” isang inisyatiba na naglalayong bantayan ang Senado kasabay ng nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng umiiral na sigalot sa mataas na Kapulungan.

Ayon kay Atty. Dino de Leon, public interest lawyer at convenor ng Team Pinas, na binuo ang Bantay Senado matapos makitaan ng indikasyon na tila “hinihijack” ng ilang makapangyarihang indibidwal ang institusyon.

Binigyang-diin ni De Leon na ang Senado ay pag-aari ng mamamayang Pilipino at hindi personal ng sinumang mambabatas, partikular na ni dating Senate President Alan Peter Cayetano.

Kasunod ng nangyaring leadership vote noong Hunyo 3, hinamon ni De Leon si Cayetano na patunayan ang kaniyang mayorya sa pamamagitan ng pagdadala ng 13 mambabatas sa plenaryo sa halip na magmatigas sa pwesto.

Ayon sa kaniya, batay sa bilang ng mga dumalo, 10 lamang ang natitirang tagasuporta ni Cayetano.

Inilahad din ng abogado na bagamat kailangan ng 13 boto upang maghalal ng bagong Senate President, sapat na ang simpleng mayorya ng mga dumalo na may quorum upang ideklarang bakante ang mga pwesto at patalsikin ang nakaupong pinuno.

Tiniyak ng Bantay Senado na magiging mapagmatyag ang publiko sa mga susunod na araw dahil ang kawalan ng pagkilala mula sa mga kapantay na sangay ng pamahalaan, tulad ng Kamara at Ehekutibo, ay magpapawalang-bisa sa anumang pag-angkin sa pamumuno sa Senado.