DAGUPAN CITY — Iginiit ni Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, na magreresulta lamang ang Regional Comprehensive Economic Partnership sa pagkamatay ng lokal na industriya.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin nito na walang kakayahan ang Pilipinas na makipagkompetensiya sa mga mayayamang bansa tulad ng Japan, Korea, Australia, at China na kabilang at matagal nang miyembro ng RCEP.
Aniya na kung ihahambing sa mga nasabing bansa na bumubuo ng 52% ng exports ng Pilipinas at nagdadala ng 63% ng kanilang produkto sa Pilipinas, ay lalabas na may kakulangan ang bansa na 10%. Maliban dito ay idiniin din ni Estavillo na ang mga mayayamang bansa na ito ay ang silang pangunahing nagdadala ng puhunan at nagtatayo ng mga negosyo sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Estavillo na hindi na bago ang pagpapasa ng Regional Comprehensive Economic Partnership at kung titignan aniya ay marami ng existing na free trade at investment agreements ang pinasok ng Pilipinas, subalit hindi naman ito nagresulta sa pag-unlad ng Pilipinas o pagiging mapagkumpitensya ng Pilipinas pagdating sa mga produktong pumapasok at lumalabas sa bansa.
Saad pa ni Estavillo na kumpara sa mga bansang Japan at China na nagpapasok ng mga electronics at mas mahal na mga produkto sa Pilipinas ay mga mas mura at raw materials lamang ang pangunahing ine-export ng bansa gaya na lamang ng durian, saging, pinya, at iba pa.
Giit pa ni Estavillo na umaabot sa $9-billion ang annual deficit ng Pilipinas sa kadahilanang mas mahal ang mga produktong inaangkat nito sa bansa kumpara sa mga produktong ini-export nito.
Binigyang-diin din ni Estavillo na kung titignan sa naging karanasan ng bansa sa pagsali nito sa ibang mga free trade agreements ay makikita na mas nabigyang halaga ang pagi-import ng mga pangunahing produkto at pangangailangan ng mamamayan samantalang napabayaan at hindi nabigyan ng kahalagahan ang lokal na produksyon ng industriya ng agrikultura.
Patuloy naman ang panawagan ng kanilang hanay na palakasin ang lokal na produksyon sa bansa nang sa gayon ay makasabay at magkaroon ng sapat na kakayahan ang Pilipinas sa pakikipagkompetensiya sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng pagpa-prayoridad sa pagkakaroon ng interbensyon ng gobyerno partikular na sa pagtugon sa napakataas na production cost, at pagkakaroon ng cost harvest facilities.