-- Advertisements --

Nagawa pang masilayan ng immediately family ang bangkay ng Maute patriarch na si Cayamora Maute na pumanaw kahapon sa edad na 64 matapos tumaas ang blood pressure nito.

Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson S/Insp. Xavier Solda, ibinalik pa nila sa BJMP Jail Complex ang bangkay ni Cayamora upang masilayan pa ito ng kaniyang mga kamag-anak na nakakulong din.

Bandang alas-7:15 kagabi nang umalis sa BJMP complex ang kinatawanng pamilya dala ang bangkay ni Cayamora.

Pahayag ni Solda na bago pa ikulong si Cayamora sa Camp Bagong Diwa sa BJMP detention facility noong June 8, 2017, mayroon na itong sakit na hypertension, diabetes, pneumonia, at viral hepatitis.

Dagdag pa ni Solda na noong August 9, idinadaing ni Cayamora ang nararamdaman nitong “manas” sa kaniyang katawan kung kaya isinailalim ito sa full monitoring at medication hanggang sa bumalik sa normal ang vital signs nito.

August 13 naman ay na-diagnosed si Cayamora ng hypertension type 2, diabetes type 2 uncontrolled, gastroenteritis, at ascites.

At kahapon August 27, nagkaroon ng emergency case kaya isinugod sa Taguig Pateros Hospital bandang alas-3:07 ng hapon pero idineklarang dead on arrival ng attending physician.