Natagpuang lumulutang sa isang creek ang bangkay ng isang lalaki sa barangay San Miguel, Natividad, Pangasinan.
Ayon kay PLT Erwin Lopez, OIC ng Natividad police station, kinilala ang biktima na si Francis Sagun, 37 anyos, tricycle driver, at residente ng Brgy. Rizal Natividad.
Base sa salaysay ng nakakita sa bangkay na si Anacleto Hidalgo, 66 anyos, may asawa, CVO at residente sa nasabing lugar, papunta siya sa bukid para tignan ang pinastol na baka nang nakita niya ang lumubog na tricycle sa creek at nakita rin ang katawan ng biktima.
Agad niyang inireport sa kapulisan at agad din namang rumisponde ang kapulisan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa isang inuman ang biktima sa barangay San Macario Norte.
Nasa impluwensya ng alak ang biktima dahilan para mahulog sa creek ang kanyang sasakyan.
Pinaniniwalaang walang foul play sa pangyayari. Sa pagsusuri sa kanyang katawan ay may nakitang sugat sa kanyang noo na pinaniniwalaang dulot ng pagkakahulog niya kasama ang kanyang sasakyan sa creek na may lalim na apat na piye.