-- Advertisements --

Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan ng mga awtoridad sa Canal Saint-Martin sa Paris, France, isang lugar na naging sikat sa mga turista kamakailan bilang swimming spot upang makaiwas sa matinding init ng panahon.

Ayon sa pulisya, narekober ang bangkay nitong Sabado ng madaling araw. Napansin ng mga awtoridad na namamaga na ang katawan ng bangkay, palatandaan na ilang araw na itong nasa tubig.

Wala ring nakitang anumang pagkakakilanlan sa biktima. Tinatayang nasa edad 25 hanggang 35 ang lalaki, at patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Noong kalagitnaan ng Hunyo, pinayagan ng pamahalaang lungsod ng Paris ang paglangoy sa isang bahagi ng Canal Saint-Martin upang mabigyan ng paraan ang mga residente at turista na makapagpalamig sa gitna ng tumitinding heatwave.

Sa kasalukuyan, pinapayagan lamang ang paglangoy sa lugar tuwing Linggo.

Matagal nang binabalaan ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat sa paglangoy sa naturang canal at iwasang tumalon mula sa mga tulay.

Kilala rin kasi ang canal bilang lugar kung saan itinatapon ang iba’t ibang basura tulad ng bisikleta, e-scooter, at shopping cart.

Kasabay nito, opisyal na ring binuksan ng Paris ang panibagong swimming season sa River Seine, kung saan may tatlong ligtas at binabantayang lugar na maaaring languyan ng publiko nang libre.