-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kasunod ng pagpasok ng panahon ng tag-ulan sa bansa, muling nakaranas ng mga pagbaha sa ilang mga lugar sa Isla ng Boracay.

Kasabay nito, nanawagan ang mga negosyante sa isla na aksyunan na ng lokal na pamahalaan ng Malay ang naturang problema.

Ayon Elena Tusco-Brugger ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Boracay marami sa mga resorts owners at mga residente ang dismayado sa sitwasyon dahil hindi lamang sila ang apektado kundi kahit ang mga turista.

Maituturing umanong long-overdue na ang problema dahil noon pang 2016 nang hindi pa isinailalim sa rehabilitasyon ang Boracay ay problema na nila ang malawakang pagbaha lalo na sa mga low-lying areas.

Ilan umano sa kanilang mga guests na dayuhan na naapektuhan ng baha kamakailan ang nagsabing hindi na babalik sa isla dahil sa hindi magandang karanasan.

Makailang beses na rin umano silang naglunsad ng signature campaign upang maaksyunan ng LGU ang problema, subalit pawang band-aid solution lamang ang kanilang ginagawa.

Dagdag pa ni Brugger na nagtataka rin sila kung bakit hanggang ngayon ay nakatiwangwang ang mga sinimulang drainage system project ng Tourism Infrastructure and Enterprize Zone Authority o TIEZA na sinimulan noong Boracay closure noong 2018.

Sa kasalukuyan ay kinukuhaan pa rin ng panig ng Bombo Kalibo si Malay Mayor Frolibar Bautista at ang pamunuan ng TIEZA kaugnay sa nasabing problema.