-- Advertisements --

Patuloy na lumakas ang Tropical Depression Luis habang kumikilos ito sa karagatang silangan ng Aurora, ayon sa 2:00 a.m. tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 185 kilometro silangan-hilagang silangan ng Baler, Aurora, o 125 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.

Kumikilos ito pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras, taglay ang pinakamalakas na hanging 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro kada oras.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, silangang at katimugang Apayao, silangang Kalinga, silangang Mountain Province, silangang Ifugao, hilagang Aurora, Polillo Islands, at hilagang bahagi ng Camarines Norte.

Ayon sa state weather bureau, inaasahang magpapatuloy ang pagkilos ng bagyo pahilagang-kanluran at posibleng mag-landfall sa Northern Luzon sa hapon o gabi ng Lunes.

Pagkatapos nito, inaasahang liliko ang bagyo pahilagang-silangan bago tuluyang kumilos palayo sa kalupaan ng Pilipinas.

Ayon pa sa weather bureau, maaaring humina muli ang Luis matapos ang landfall at posibleng maging remnant low pagsapit ng Miyerkules bago tuluyang ma-absorb ng umiiral na sirkulasyon ng Typhoon Dolphin.