-- Advertisements --

Unti-unti nang pumapasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang tropical storm Rolly na may international name na “Goni.”

Ayon sa Pagasa, nasa loob na ng ating karagatan ang outer portion ng bagyo.

Pero maaaring mamayang hapon pa ito ganap na makapasok nang buo sa PAR, dahil sa lawak ng sirkulasyon.

Huling namataan ang TS Rolly sa layong mahigit 1,500 km sa silangan ng Central Luzon.

May lakas itong 95 kph at may pagbugsong 115 kph.

Kumikilos naman ito nang 10 kph sa direksyong pakanluran.

Palaisipan pa rin kung saan ang direktang tatamaan ng unang landfall nito, dahil magkakaiba ang pagtaya ng local at international weather agencies.

Para sa Japan Meteorological Agency (JMA), dadaplis lamang ito sa Bicol at maaaring ang unang landfall raw ay sa Polilio Island sa lalawigan ng Quezon.

Habang sa Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ng USA, hindi raw ito tatama sa Bicol region at sa halip ay Polilio Island at Aurora ang posibleng sapulin ng bagyo.