-- Advertisements --

Lalong lumakas at naging isang tropical storm ang namataang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Biyernes ng gabi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa weather bulletin forecast ng PAGASA, namataan ang sentro ng tropical storm sa layong 1,665 kilometro silangan ng Southeastern Luzon habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kilometro kada oras.

Ayon sa state weather bureau, tatawagin itong bagyong “Francisco” sa oras na makapasok sa loob ng Philippine Area of Responsility (PAR), mamayang gabi nitong Sabado o bukas ng umaga sa Linggo.

Gayunpaman, hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon depende sa magiging galaw at paglakas ng bagyo.