-- Advertisements --

KALIBO, Aklan-Pinasinayaan ang bagong fire substation sa Barangay Balabag sa isla ng Boracay kasabay sa ginaganap na fire safety convention ng Bureau of Fire Protection o BFP na magtatapos ngayong araw na dinaluhan ng mga regional directors mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.

Ang dagdag na tanggapan ay makikita sa isang mall na itinuturing na strategic location dahil dito halos nakatayo ang mga naglalakihang establisyimento at negosyo.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Fire Director Louie Puracan ang lokal na pamahalaan ng Malay sa suporta sa programa ng ahensya kung saan, malaki ang maitutulong ng dagdag na fire sub station lalo na sa lumalakas na turismo sa isla.

Welcome development din aniya ito sa pagpasok ng panibagong administrasyon at inaasahan na magkakaroon ng dagdag na fire fighters sa isla na hindi lamang para sa pagresponde ng sunog kundi maaasahan din ang mga ito sa iba pang insidente.

Matatandaan na sunod-sunod ang nangyaring sunog sa Boracay kung saan, nahirapan ang mga fire fighters na apulahin ang apoy dahil maliban sa kulang ang tao ay kulang din ang fire truck na bumubuga ng tubig.